Labing tatlong katao ang patay sa flash floods sa south-central Texas.

Sinabi ni Kerr County Sheriff Larry Leitha, nanalasa ang mapaminsalang pagbaha sa northwest ng San Antonio, at nagbabala ng mas marami pang casualties.

Sinabi naman ni Texas Lieutenant Governor Dan Patrick, hanggang ngayon ay hindi pa nakikita ang 23 na mga batang babae na nasa Camp Mystic sa Guadalupe River, na tumaas ng 26 feet sa loob lamang ng 45 minuto.

Gayunman, nilinaw ni Patrick na hindi nila sinasabi na nawala ang mga ito, dahil posibleng sila ay umakyat sa mga puno, at naputol ang kanilang linya ng komunikasyon.

Sinabi ni Patrick na batay sa mensahe sa kanya ng director ng summer camp, nakaranas sila ng matinding pagbaha sa lugar, at wala rin silang suplay ng kuryente at Wi-Fi.

-- ADVERTISEMENT --

Maraming mga bahay at mga puno ang tinangay ng flash floods sa magdamag dahil sa malalakas na pag-ulan na umabot sa 12 pulgada.

Ibinahagi naman ni Texas Governor Greg Abbott ang video ng isang biktima na hinila mula sa taas ng isang puno ng rescuer na nakabitin sa isang helicopter.

Tinawag naman ni Freeman Martin, director ng public safety department ang pagbaha na “mass casualty event.”

Nasa 500 na rescue personnel at 14 na helicopters ang ipinadala sa lugar, kung saan nagpapadala ang Texas National Guard ng rescue teams at tumutulong na rin ang US Coast Guard.