Sinibak sa puwesto at kinasuhan ang labing-tatlong pulis matapos mamatay ang isang lalaking inaresto habang nasa kanilang kustodiya, na ayon sa autopsy ay dahil kinapos sa hininga dulot ng manual strangulation o pananakal.
Kinilala ang biktima bilang si John Paul Magat, na inaresto matapos umano’y sirain ang ilang gamit sa stock room ng isang convenience store sa Pasay noong Agosto 24, 2025.
Ayon sa Pasay Police, nagpumiglas ang biktima kaya’t pinadapa at pinigilan siya ng mga pulis upang mapasuko.
Makaraan ang ilang oras sa kulungan, humingi ng tulong si Magat bandang 9:23 ng gabi dahil nahirapan siyang huminga.
Dinala siya sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.
Batay sa reklamo ng kanyang pamilya at resulta ng imbestigasyon, agad na sinibak sa puwesto ang 13 pulis na sangkot — anim mula sa Pasay Police Substation 5, anim mula sa South Police District Mobile Force Battalion, at isa mula sa Regional Force Battalion.
Nahaharap sila ngayon sa kasong maltreatment of prisoners at reckless imprudence resulting in homicide at ililipat sa kustodiya ng Camp Bagong Diwa habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Ayon kay Pasay Police Chief Col. Joselio de Sesto, nakita sa CCTV na pinadapa si Magat habang nagpupumiglas, at posibleng nadaganan ang kanyang leeg kaya nahirapan huminga.
Samantala, naniniwala ang pamilya ng biktima na mayroong foul play sa nangyari.
Ipinagpasalamat naman nila ang mabilis na aksyon laban sa mga pulis na sangkot.