TUGUEGARAO CITY- Ginagamot na sa ospital dito sa lungsod ng Tuguegarao ang isa sa 13 na nasugatan matapos ma mahulog sa bangin ang kanilang sinakyang van sa Tabuk City, Kalinga.

Sinabi ni PSMS Ford Wassig, information officer ng PNP Tabuk City na, dinala sa CVMC dito sa Tuguegarao si Julie Ann Banggawan matapos na magtamo ng injury sa kanyang pelvic bone at nagkaroon ng internal bleeding.

Ayon kay Wassig, ang walo sa ibang nasugatan ay ginagamot naman sa ospital sa Kalinga habang apat ang nakalabas sa pagamutan na nagtamo lamang ng minor injuries.

Sinabi ni Wassig na batay sa kanilang imbestigasyon, galing sa isang resort at pabalik na sana sa poblacion ng Tabuk ang mga biktima ng mangyari ang insidente.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa kanya, na batay sa pahayag ng isang pasahero, mabilis umano ang takbo ng sasakyan sa blind curve sa Barangay Nambaran hanggang sa mahulog ito sa 20 metro na lalim ng bangin.

Nabatid na mula sa Benguet ang mga sakay ng van at bumisita lamang sa kanilang kaanak sa Tabuk City.