Umaabot sa 293 katao ang bilang ng mga matagumpay na nakapag-donate ng dugo mula sa dalawang venue na kinabibilangan ng Alcala Municipal Gymnasium sa bayan ng Alcala at Cagayan Colesium sa Tuguegarao City.

Ito ay katumbas ng 131,850 cc ng dugo.

Ayon kay Reggie Parayno ng Cagayan Valley Medical Center-Blood Bank, marami sa mga nakapagrehistro sa aktibidad ang hindi nakapagdonate dahil sa ibat-ibang kadahilanan tulad ng mababang hemoglobin, mataas ang blood pressure, puyat, kagagaling sa confinement sa hospital, under medication at ang iba ay lagpas na sa itinakdang edad.

Gayonman, hinikayat nito ang mga deferred donors na makipag-ugnayan lamang sa kanilang tanggapan kung sakaling bumuti na ang kalagayan ng kalusugan ng mga ito upang sila ay magabayan sa pagdodonate ng dugo.

Ipinunto ni Parayno na mahalaga ang pagdodonate ng dugo dahil sa dami ng mga pasyenteng nangangailangan nito tulad na lamang ng mga dialysis at leukemia patient, mga naooperahan, mga nanganganak na may komplikasyon at marami pang iba.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, nakatanggap naman ng cash incentives ang walong successfull blood donors na maswerteng nabunot ang pangalan sa raffle draw.

Kabilang sa mga mapalad na nabunot para sa cash incentives ay sina Rocky Bermijiso ng Baculud, Alcala at Romulo Dayag ng Magalalag East, Enrile na kapwanakakuha ng P4K; P3K naman ang nakuha nina Teresita Antonio ng Centro Norte, Alcala at Aireen Grace Ancheta ng Brgy. San Gabriel, Tuguegarao City; P2K kina Freddie Geron ng Centro Sur, Alcala at Floro Manangan ng Ubong, Solana; habang P1K naman para kina John Oclaine Ancheta ng Afusing Bato, Alcala at Danilo Gonzales ng Dumpao, Iguig.

Ayon kay Ancheta, labis ang kanyang kasiyahan na nanalo siya ng P3k nang mabunot ang kanyang pangalan at ito aniya ay malaking tulong para sa kanya.

Saad niya, bukod sa napanalunang cash prize ay labis ang kanyang pasasalamat na makatulong sa mga labis na nangangailangan ng dugo at sa pamamagitan nito ay madudugtungan ang buhay ng pasyente.

Ganito rin ang naging pahayag ni Floro Manangan ng Ubong, Solana Cagayan na nanalo ng P2k at ayon sa kanya ay labis din ang kanyang saya na makatulong sa mga nangangailangan ng dugo.

Bukod dito, napagkalooban rin ng snacks at fluid replacements ang mga successful blood donors, kasama na ang Certificate at libreng Dugong Bombo Tshirts bilang souvenirs.

Muli ang taos puso naming pasasalamat sa mga successful blood donors, local at national sponsors at sa lahat ng mga nakibahagi para maging matagumpay muli ang Dugong Bombo 2023, lalo na sa aming mga volunteers at supporters