Umabot sa 1,370 silid-aralan ang napinsala ng Bagyong Opong at Habagat batay sa ulat ng Department of Education (DepEd).
Sa naturang bilang, 891 ang nagtamo ng bahagyang pinsala, 225 ang malubha, at 254 naman ang tuluyang nasira.
Aabot sa 13.3 milyong mag-aaral at 569,000 kawani mula sa 23,796 pampublikong paaralan sa 13 rehiyon ang naapektuhan ng malakas na bagyo at habagat.
Pinakamarami sa mga apektado ay mula sa Bicol Region, Eastern Visayas, CALABARZON, Central Luzon, at MIMAROPA.
Naitala rin ng DepEd na 121 paaralan ang pansamantalang ginamit bilang evacuation centers.
Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang ahensya sa mga lokal na pamahalaan para sa pagpapatupad ng response protocols at paghahanda sa pagbabalik ng klase.
Kasabay nito, katuwang ng DepEd ang iba pang humanitarian partners upang maghatid ng karagdagang tulong at teknikal na suporta sa mga apektadong lugar.
Samantala, iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na nasa 738,714 pamilya o katumbas ng 2,797,706 katao ang naapektuhan ng magkakasunod na bagyo na sina Mirasol, Nando, Opong, at ang Habagat.
Dahil dito, umabot na sa 26 ang kumpirmadong nasawi, 33 ang nasugatan, at 14 ang patuloy na nawawala.