Nagsampa ng mga kasong administratibo ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Office of the Ombudsman laban sa 14 na barangay officials sa Iloilo City kaugnay sa alegasyong ibinulsa nila ang ayuda mula sa pamahalaan na para sa mga benepisaryo ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS).

Pinangunahan ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang pagsasampa ng kaso, kung saan sinabi niya na ang mga nasabing barangay officials sa Jaro at Arevalo sub-district sa Iloilo City ay tinakot o pinagbantaan ang mga AICS beneficiaries na nakatanggap ng P10,000.

Sinabihan umano ng mga nasabing barangays officials ang mga recipients na ibigay sa kanila ang P8,000 hanggang P9,000 kapalit ng hindi pagtanggal sa kanilang mga pangalan sa listahan ng mga benepisaryo.

Ayon kay Gatchalian, nangyari ang payouts noong November 7, 11 at 12 sa 16 na barangay.

Sinabi ni Gatchalian na matapos matanggap ng mga benepisaryo ang ayuda, sinundan sila ng 14 na barangay officials at sinabihan sila na ibigay sa kanila ang kanilang poryento para manatili sila sa listahan ng programa.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Gatchalian, ang mga opisyal na nahaharap sa grave misconduct, graft, at iba pang reklamo ay kinabibilangan ng barangay captains, barangay kagawads, barangay treasurer, at barangay-appointed officials.

Sinabi ni Gatchalian na sa kuwento ng mga nagreklamo, matagal na umano nangyayari ang nasabing kalakaran, noon pang panahon ng pandemya.

Subalit ngayon ay marami na ang nagreklamo dahil kung dati ay maliit lang ang kinakaltas sa kanila, pero ngayon ay mas malaki na ang kinukuha ng mga inireklamo.

Sinabi pa ni Gatchalian na ang mga biktima ay kinabibilangan ng mga nangangailangan ng medical at burial assistance.