Nasa 14 na Jordanians ang namatay sa Hajj pilgrimage sa Saudi Arabia bunsod ng matinding init ng panahon.
Sinabi ni foreign ministry ng Jordan na 14 na kanilang mamamayan ang namatay matapos na makaranas ng sun stroke bunsod ng matinding heat wave at 17 pa ang iniulat na nawawala.
Nagsasagawa na ng paghahanap ang Jordan sa mga nawawala.
Nakikipag-ugnayan na rin sila sa mga otoridad ng Saudi Arabia kung ililibing o ibibiyahe ang mga katawan ng mga namatay, batay sa kahilingan ng kanilang mga pamilya.
Kinumpirma naman ng Iranian Red Crescent na limang Iranian pilgrims ang namatay, subalit hindi tinukoy kung ano ang sanhi ng kanilang pagkamatay.
Lampas sa 46C ang temperatura sa Saudi Arabia.
Una rito, nagbabala ang Saudi national meteorology centre na asahan ang pagtaas ng average temperatures sa 1.5 hanggang 2 degrees celcius sa panahon ng Hajj sa Mecca at Medina.
Nakapagtala ang treatment centre malapit sa Mount Arafat ng 225 na kaso ng heat stress.