Bumangga ang isang single coach train ng Philippine National Railways (PNR) sa isang pampasaherong bus sa Maharlika Highway, Nabua, Camarines Sur nitong Sabado ng madaling araw, kung saan 14 katao ang nasugatan.

Ayon kay Police Corporal Jonard Bufete ng Nabua Police, nangyari ang insidente pasado alas-tres ng madaling araw.

Aniya, tumagilid ang provincial bus dahil sa lakas ng impact ng banggaan.

Paliwanag ni Bufete, posibleng hindi napansin ng driver ng bus ang paparating na tren kaya ito tumawid sa riles.

Eksaktong dumaraan noon ang tinatawag na “explorer” ng PNR, kaya nabangga ang bus.

-- ADVERTISEMENT --

Sa lakas ng salpukan, tumilapon ang bus sa gilid ng kalsada habang ang tren naman ay hindi nadiskaril.

Labing-apat ang nagtamo ng minor injuries kabilang ang driver ng bus at 13 pasahero.

Agad dinala sa ospital ang mga sugatan para sa kaukulang gamutan.

Ayon sa PNR, ang single coach explorer ay karaniwang ginagamit upang i-clear ang mga riles bago dumaan ang pangunahing tren.

Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang insidente upang matukoy ang tunay na pangyayari.