TUGUEGARAO CITY – Isasailalim sa intervention program ng Department of Social Welfare and Development ang isang 14 years old na lalaki na tumangay sa motorsiklo ng isang ginang sa Sanchez Mira, Cagayan.
Ito ay matapos na magpasiya ang may-ari ng motorsiklo na si Ginang Marjorie Filomena ng Centro 1, Sanchez Mira na hindi na siya magsasampa ng kaso laban sa binatilyo.
Sinabi ni Police Sr.Master Sgt. Vladimir Emperia na batay sa salaysay ng ginang, ipinarada niya ang kanyang motorsiklo sa isang tindahan para bumili at naiwan ang susi sa kanyang sasakyan.
Dito na umano sumakay ang binatilyo sa motorsiklo at pinaharurut kaya wala nang nagawa ang ginang.
Ayon kay Emperia, agad naman na natuntun ang binatilyo at nabawi ang motorsiklo.
Sinabi ni Emperia na sa kanilang pagtatanong sa bata kung bakit niya nagawa ang pagtangay sa motor, sinabi niya na gusto lang niyang makauwi na sa kanilang bahay sa Pamplona dahil sa nag-aalala siya sa kanyang lola.
Ayon sa binatilyo, tanging ang lola lamang niya ang kanyang kasama sa kanilang bahay.
Nabatid pa mula kay Emperia na estudyante ang binatilyo.