Kritikal ang kalagayan ng dalawang estudyante matapos ang insidente ng pamamaril sa loob ng isang paaralan sa Sta. Rosa, Nueva Ecija nitong Huwebes ng umaga.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, dumating ang 18-anyos na lalaking suspek sa paaralan bandang 10:00 a.m. at pinuntahan ang dating kasintahan, isang 15-anyos na estudyante.
Matapos ayain na makausap, bigla nitong binaril ang dalagita gamit ang kalibre .22 na baril, saka nagbaril din sa sarili.
Base sa paunang ulat, tinitingnang motibo sa insidente ay “crime of passion” matapos umanong makipaghiwalay ang dalagita, bagay na hindi raw matanggap ng suspek ayon sa mga kaibigan ng biktima.
Parehong isinugod sa ospital ang dalawa at patuloy na inoobserbahan ang kanilang kondisyon.
Inaalam pa ng pulisya ang iba pang detalye habang sinusubukang makuhanan ng pahayag ang pamilya ng mga sangkot at ang pamunuan ng paaralan.
Kinondena ng Police Regional Office 3 ang pangyayari at nagpaabot ng pakikiramay sa mga pamilya.
Ayon kay PRO-3 Director Police Brigadier General Ponce Peñones Jr., mahalagang tiyakin ang kaligtasan sa mga paaralan at bantayan ang emosyonal at mental na kalagayan ng kabataan.
Isasailalim sa psychological debriefing ang mga estudyanteng nakasaksi sa insidente upang matulungan silang makabangon mula sa trauma.