Kulong ang nasa 15 Chinese nationals at 100 na manggagawang Pinoy kahapon, matapos ang pagsalakay ng National Bureau of Investigation (NBI) at Bureau of Internal Revenue (BIR) sa isang lihim na cigarette factory sa barangay Cinco-cinco sa Cabanatuan City.
Sinabi ni NBI Director Jaime Santiago na ang pagsalakay ay resulta ng pinaigting na intelligence efforts.
Ayon sa kanya, hindi na kinailangan ang search warrant dahil may visitorial powers sa mga katulad na negosyo ang BIR.
Sinabi pa ni Santiago na kabilang sa mga Chinese nationals ay kayang magsalita ng tagalog.
Nadiskubre ng mga ito ang daang-daang master cases ng iba’t ibang tobacco products kasama ang limang malalaking manufacturing machines.
Sinabi ni Santiago, na gumagawa ang nasabing factory ng pekeng bersiyon ng local at imported cigarette brands.
Ayon naman kay BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr., na nagsagawa ng inspeksiyon sa mga nasabing produkto, na nakalikom sana ang pamahalaan ng P600 million na excise mula sa mga produkto.
Mahigit 500,000 na pekeng tax stamps din ang nakita sa nasabing operasyon.
Inaalam pa ng mga awtoridad kung sino ang may-ari ng factory, na pinaniniwalaan na inuupahan ang nasabing pasilidad.
Ayon sa NBI ang Wi-Fi connection ng nasabing factory ay nakarehistro sa pangalang “JB Canlas.”