Overloading ang nakikitang dahilan ng mga otoridad sa bahagyang paglubog ng bangka sa karagatang sakop ng Sta Ana, Cagayan nitong hapon ng Biyernes Santo.
Lulan ng bangka na may pangalang Jhon Lea ang 15- katao na kinabibilangan ng siyam na menor de edad na agad nasagip ng Coastguard District NorthEastern Luzon.
Ayon kay PMAJ Manes Cadingan, hepe ng PNP-Sta Ana, galing ng Palaui island ang mga pasahero ng bangka at pauwi na sa Brgy San Vicente, Sta Ana.
Ito ay nakita ng mga nagpapatrolyang tauhan ng Coastguard na half submerged nang ito ay malapit na sa pampang o 300 metro ang layo sa San Vicente Port dahil sa labis na pasahero at malalakas na alon sa dagat.
Matapos iligtas, dinala sila sa pagamutan para sa agarang medikal na atensyon.
Samantala, sa bayan naman ng Abulug ay nasagip ng Coast Guard Sub-Station Aparri West sa pagkalunod dulot ng pamumulikat ng paa ang isang binata na kinilalang si Benjie Malaga, 19-anyos, residente ng Tabuk City, Kalinga.
Sinabi ni CG Ensign Lamie Manglugay, Information officer – Coast Guard District North Eastern Luzon, nakita ng coastguard habang nagpapatrolya sa Baywatch ang nagpapasaklolo na binata sa katubigan ng Brgy Bagu.
Umaga naman ng Sabado de Gloria ng matagpuan ng PCG ang bangkay ng isang lalaki na napaulat na nawawala noong Biyernes Santo dahil sa pagkalunod sa Small Water Impounding Project (SWIP) irrigation dam sa Brgy Alaguia, Lal-lo.
Nabatid na sakay ng motorized banca ang biktimang si Mark Battad, 36-anyos nang subukan nitong lumangoy sa dam na posibleng tumama ang ulo nito sa kanyang bangka.