Nakapagtala ang Phi­lippine National Police (PNP) ng 30 insidente ng pagkalunod, banggaan ng mga sasakyan at iba pang mga sakuna sa gitna na paggunita ng Semana Santa sa bansa.

Ayon sa PNP, hanggang nitong Sabado de Gloria (Abril 19), sa 18 kaso ng pagkalunod na naitala, 15 ang nasawi, 2 ang nasugatan, at 1 ang naiulat na nakaligtas.

Kabilang sa mga biktima ang 9 na matatanda at 9 na menor-de-edad.

Dalawang banggaan naman ng mga sasakyan ang naireport sa Metro Manila at Cagayan Valley.

Tatlong sunog din sa MM, Eastern Visayas, at Zamboanga Peninsula at isa pang kaso ng panununog ang naiulat sa Negros Island.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kabila ng mga insidente, naging ­mapayapa sa pangkalahatan ang paggunita sa Semana Santa, ayon sa PNP.

Muli namang nagpaalala ang PNP para sa ibayong pag-iingat sa ­gitna ng dumara­ming kaso ng pagkalunod ngayong tag-init.