Labinlima sa 29 aktibo at dating mga pulis na may arrest warrants sa umano’y staged operation ng P6.7 billion drug haul sa Maynila noong 2022 ang nasa kustodiya na ng mga pulis, ayon sa Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) nitong Lunes.

Base kay CIDG chief Police Brigadier General Nicolas Torre III, inihayag ng ilang indibidwal na hindi pa nadadakip ang kanilang kahandaan na sumuko sa mga awtoridad.

Nauna nang sinabi ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na maglulunsad ng malawakang imbestigasyon sa drug hauls simula noong 2016 matapos ang kautusang magsampa ng kaso laban sa 30 pulis na sangkot sa kontrobersyal na drug haul noong 2022.

Naghain ang panel of prosecutors ng kaso laban sa 30 pulis, kabilang ang dalawang ranking police generals, para sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Sa 30 kinasuhang indibidwal, nakapagpalabas ng arrest warrants laban sa 29 sa kanila.

-- ADVERTISEMENT --

Kabilang sa umano’y mga paglabag ng mga pulis ang pagtatanim ng ebidensya at pag-antala sa prosekusyon ng drug cases.

Nakatutok ang kaso kay dismissed Police Master Sergeant Rodolfo Mayo Jr. na naaresto nang makumpiska ng mga awtoridad ang 990 kilo ng hinihinalang shabu na may estimated value na mahigit P6.7 bilyon sa drug operations sa Maynila noong 2022.

Nanungkulan siya bilang intelligence officer para sa PNP Drug Enforcement Group, batay sa police records.

Sinibak siya sa serbisyo noong March 21, 2023 sa three counts ng grave misconduct and conduct unbecoming of a police officer.