Sugatan ang 15 katao habang 34 na pamilya ang nawalan ng tirahan sa nangyaring sunog na tumupok sa 70 kabahayan sa Caloocan City.
Nagsimula ang sunog sa isang bahay sa Brgy. 160 East Libis Baesa ng gabi kamakalawa sa hindi pa matukoy na dahilan na mabilis kumalat sa mga kahabayan na karamihan ay pawang mga gawa lamang sa kahoy.
Sa bilis ng paglaki ng apoy, nataranta ang mga residente sa pagkukumahog na mailigtas ang mahahalagang gamit na naging dahilan upang karamihan sa kanila ay nagtamo ng bahagyang paso sa katawan habang ang ilan ay nakatapak ng matatalim at matutulis na bagay.
Aminado ang Caloocan Burau of Fire Protection (BFP) na nahirapan sila sa pag-apula kaagad ng apoy dahil hindi makapasok ang kanilang mga firetruck sa maliit na lansangang patungo sa lugar.
Umabot sa ikalawang alarma ang sunog bago na-kontrol ng mga bumbero matapos ang halos dalawang oras.
Pansamantalang nanunuluyan sa covered court ng Brgy. 160 ang apektadong mga pamilya.
Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang sanhi ng nasabing sunog.