TUGUEGARAO CITY- Nabigyan ng titulo ang 115 na pamilya sa Iguig, Cagayan sa ilalim ng “Handog Titulo” program ng Department of Environment and Natural Resources.
Sinabi ni Atty. Ismael Manalegod ng Provincial Environment and Natural Reources Office na ang mga nasabing lupa ay ang alienable at disposable land.
Ayon kay Manalegod na ang pagpapatitulo sa mga nasabing lupa, residential man o agricultural area ay bilang tugon sa kautusan ni DENR Secretary Roy Cimatu na ang kawani na ng ahensiya ang magtutungo sa mga barangay para sa mas mabilis na pagpapatitulo ng mga lupa lalo na sa mga liblib ba lugar.
Bukod dito, sinabi ni Manalegod na tumutulong din sila sa mga may boundary dispute sa kanilang mga lupa kung saan magsisilbi silang mediator.
Sa sandaling maaayos na ang gusot sa magkabilang panig ay magkakaroon na ng survey bago iproseso ang pagpapatitulo.
Sinabi ni Manalegod na wala pa sa P500 ang babayaran ng nais na makakuha ng titulo.
Idinagdag pa niya dapat na pagkatapos ng isang buwan ay mailalabas at pirmado na ang patent para maibigay sa benepisyaryo ng programa.
Gayonman, sinabi ni Manalegod na hindi sakop ng nasabing programa ang mga isinailalim sa land classification.
Subalit sinabi niya na may hiwalay naman na programa para sa mga residente na naninirahan o nagsasaka sa mga may land classification tulad ng forest land.