Kaagad ibinaon sa lupa ang nakumpiskang 150 kilos na imported frozen meat mula sa bansang The Netherlands na apektado ng African Swine Fever (ASF) na ipinuslit sa lungsod ng Tuguegarao.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi Dr Arnulfo Perez, assistant provincial veterinary ng Cagayan na katuwang ang National Meat Inspection Services (NMIS) Regional Office, ikinasa ang meat inspection sa Don Domingo Public Market.
Nakumpiska sa dalawang stall sa naturang palengke ang 13 kilos na imported frozen meat habang anim na karton na may timbang na 138 kilos ang nakumpiska sa bahay ng isang negosyante.
Sinabi ni Perez na ang naturang operasyon ay dahil sa sumbong ng publiko ukol sa pagpupuslit ng mga frozen meat na isinasakay sa pampasaherong bus papuntang Cagayan.
Nabatid na mula Dalton Pass sa pagitan ng Nueva Ecija at Nueva Vizcaya ay idinidiskarga umano ang mga frozen meat at isinasakay sa pribadong sasakyan upang makaiwas sa checkpoint.
Kaugnay nito, naghigpit na sa checkpoint sa entry at exit points sa rehiyon upang masiguro na walang makakapasok na karne na may dalang ASF.