Tinatayang aabot pa sa 16 na bagyo ang posibleng pumasok sa bansa mula Agosto hanggang Disyembre ngayong taon, ayon sa ulat ng state weather bureau.
Inaasahan ang peak ng typhoon season sa mga darating na buwan, kung saan 2 hanggang 3 bagyo ang posibleng pumasok sa Agosto, 2 hanggang 4 mula Setyembre hanggang Nobyembre, at 1 hanggang 2 sa Disyembre.
Base sa historical data, ang Hulyo hanggang Setyembre ang mga buwang madalas tamaan ng maraming bagyo.
Sa kabila ng kasalukuyang neutral na kondisyon ng El Niño–Southern Oscillation (ENSO), may posibilidad na ma-develop ang La Niña sa pagitan ng Agosto at Oktubre.
Ayon sa ilang climate models, maaari itong tumagal hanggang Disyembre o kahit Pebrero 2026.
Gayunpaman, hindi pa ito umaabot sa 55% threshold na kailangan upang maglabas ng La Niña Watch ang ahensya.
Dahil dito, pinapayuhan ang publiko at mga lokal na pamahalaan na manatiling alerto at patuloy na subaybayan ang mga update sa lagay ng panahon.
Mahalaga ang paghahanda lalo na sa harap ng banta ng mas maraming bagyo ngayong taon.