Labing-anim pang mga negosyo sa Tuguegarao City ang ipinasara dahil sa pag-ooperate ng walang business permit at paglabag sa zoning ordinance.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Edmund Pancha ng City Information Office (CIO) na natuklasang walang lehitimong business permit mula sa City Hall ang mga negosyo at nabigyan ng babala subalit patuloy sa operasyon ang mga ito.
Ayon kay Pancha, pansamantalang isinara sa pangunguna ng business permits and licensing office (BPLO) at binigyan ng ilang araw ang mga may-ari ng nasabing establisimento na walang permit upang ayusin ang kaukulang dokumento upang ito ay mabuksang muli.
Habang ang mga lumabag sa Comprehensive Land Use Plan Zoning Ordinance ay inirekomenda ang relokasyon ng negosyo dahil sa posibleng bahain ang lugar o bawal ang negosyo sa naturang lugar.
Sa naturang bilang, sinabi ni Pancha na limang establisyimento ang nadatnan ng mga otoridad na sarado na subalit hindi kumuha ng sertipiko sa BPLO ng retirement of business o pagsasara ng negosyo.
Ang naturang mga negosyo ay kinabibilangan ng sari-sari store, panciteria, bukuhan at iba pa na matatagpuan sa Macapagal Road, Brgy Balzain East.