TUGUEGARAO CITY- Puspusan ngayon ang isinasagawang contact tracing ng Pamahalaang Panlungsod ng Tuguegarao sa napaulat
na isang kaso ng Delta Variant sa lungsod.
Ayon kay Mayor Jefferson Soriano, bukod sa Department of Health ay sinimulan na rin kahapon, August 13
ng City Health Office ang malawakang contact tracing at testing sa mga nakasalamuha ng lalaking
pasyente na fully recovered na noong pang July 27, 2021.
Kasabay nito, sinabi ng alkalde na inirekomenda ng CHO na hindi na kailangang i-lockdown ang lugar ng
pasyente at tanging ang pagsasagawa ng contact tracing hanggang sa 3rd generation ang gagawin.
Asahan din aniya na marami ang isasalang sa testing dahil ang pasyente ay nagtatrabaho sa isang
establisyimento sa lungsod, kung saan may nagpositibo na rin sa COVID-19 na kasama ng pasyente sa
bahay.
Sinabi naman ni Dr. Nica Taloma ng DOH-RO2, na bukod sa contact tracing ay nagpapatuloy ang
isinasagawang case findings sa mga naitalang 16 local cases ng delta variant sa rehiyon na pawang mga
gumaling na.
Layunin nitong matukoy ang pinagmulan at masuri kung posible pang kumalat ang naturang variant.
Sa datos ng DOH, ang dalawang kumpirmadong kaso ng Delta Variant sa lalawigan ng Cagayan ay mula sa
Tuguegarao City at sa bayan ng Ballesteros; 13 naman sa Isabela at isa sa N. Vizcaya.
Bagama’t una nang itinuring na gumaling na ang mga ito, ipinaliwanag ni Taloma na iba ang protocol
kapag ang isang tao ay nakitang nahawahan ng variant of concern kung kaya sasailalim ang mga ito sa
repeat RT-PCR test.
Inaalam na rin ng kagawaran ang mga close contacts ng mga ito sa pamamagitan ng contact tracing at ang
positive samples ng mga ito ay ipadadala para sa “genome sequencing”.
Sa inisyal na imbestigasyon ng DOH, sampu sa naitalang delta variant sa rehiyon ay household close
contacts o hawaan sa mga kasama sa bahay, dalawa ay nakuha sa trabaho at ang nalalabing apat ay hindi
pa matukoy kung saan nahawa.
Limampung porsyento sa mga ito ay lalaki at 50% din ay mga babae na nasa edad onse hanggang
singkwentay-sais.
Kasabay nito, sinabi ni Taloma na inabisuhan na nila ang mga ospital sa rehiyon upang magdagdag ng
hospital beds, ICU capacity, isolation facilities at pag-iistock ng gamot bilang paghahanda sa
posibleng surge ng mas nakakahawang delta variant.
Samantala sa pinakahuling datos ng DOH-RO2, naitala noong, August 12 2021 ang 349 na karagdagang kaso
ng COVID-19 kung saan 3,620 na ang aktibong kaso sa rehiyon habang mayroon namang naitalang 346 na
gumaling at 13 ang naitalang namatay.
Muli ring nagpaalala si Taloma sa bawat isa na panatilihin ang pagsunod sa minimum public health
standard gaya ng social distancing at pagsuot ng face mask.