TUGUEGARAO CITY-Kasalukuyan nang minomonitor sa Quarantine facility sa Enrile Vocational high School ang 16 na miembro ng PNP-Enrile matapos magpositibo sa coronavirus disease 2019 (Covid-19).

Ayon kay Mayor Miguel “Jhun” Decena ng Enrile, maaring nahawaan ang bagong naitalang 14 na kaso ng virus na miembro ng kapulisan sa dalawa nilang kasamahan na unang nagpositibo sa covid-19 dulot ng local transmission nitong araw ng Biyernes.

Sinabi ni Decena na unang isinailalim sa swab test ang 25 miembro ng PNP-Enrile kung saan batay sa resulta na inilabas ngayong araw Oktubre 18,2020 , 14 sakanila ang nagpositibo virus.

Aniya, karagdagang 22 pulis ang muling kinuhanan ng specimen ngayong araw para matiyak na hindi sila nahawaan ng nakamamatay na virus.

Dahil dito, pansamantalang nakasailalim sa lockdown ang Enrile Police Station kung kaya’t mga augmentation force mula sa Cagayan Police Provincial Office ang kasalukuyang nagmamando sa mga checkpoint area sa lugar.

-- ADVERTISEMENT --

Bukod sa mga miembro ng PNP ,isinailalim na rin sa swab test ang nasa 18 miembro ng Bureau of Fire Protection (BFP) Enrile na nagsasagawa ng dis-infection.

Sa ngayon, sinabi ni Decena na nakapagtala na ang kanilang bayan ng 90 kumpirmadong kaso ng virus kung saan 35 ang nakarekober, 54 ang aktibo at isa ang nasawi.

Kaugnay nito, tuloy-tuloy ang ginagawang contact tracing sa mga posibleng nakasalamuha ng mga nagpositibong PNP member.

Pinayuhan din ni Decena ang kanyang mga residente na sumunod sa mga inilatag na health protocols tulad ng iwas social gathering, pagsusuot ng face mask at face shield para may proteksyon laban sa covid-19 .