Isinailalim sa interogasyon ang isang 17-anyos na lalaking estudyante na pinagsusuntok at tinadyakan ang isang babaeng guro dahil sa hindi umano siya nasiyahan na hindi siya nakakuha ng perfect score sa mid-term mathematics exam sa Thai Thani, Thailand.
Kumalat sa social media ang kuhang CCTV footage sa ginawa ng nasabing estudyante sa guro, kung saan nagtamo ng mga pasa at nagkaroon ng bali sa kanyang tadyang.
Nagpatingin sa doktor ang guro, humingi ng tulong sa mga pulis at inihahanda ang kaso na isasampa laban sa nasabing estudyante.
Ayon sa ulat, hindi na pinapapasok ng mga magulang ang nasabing estudyante.
Nangyari ang insidente noong August 5, sa harap ng klase, nang lapitan ng estudyante ang guro at nagtanong tungkol sa kanyang score.
Sagot ng guro na nakakuha siya ng 18 out of 20.
Dahil dito, hiniling ng estudyante na tignan ang kanyang papel.
Ipinaliwanag ng guro sa estudyante na hindi siya nakakuha ng full score dahil sa kailangan na ipakita niya ang calculation method, subalit mga sagot lamang ang laman ng kanyang answer sheet.
Sinabi pa ng guro na maaari naman siyang humingi ng pananaw ng iba pang mga guro, na ginawa naman ng estudyante.
Nang bumalik ang estudyante, sinabi niya sa guro na ang sinabi sa kanya ng ibang guro ay depende ito sa pananaw ng isang guro.
Kasunod nito ay sinimulan umano ng estudyante na suntukin at tadyakan ang guro, na ikinatakot naman ng ibang mag-aaral.
Makikita rin sa video na pinalo pa ng estudyante ng upuan ang guro.
Dahil dito, naghain ng reklamo ang guro sa Nong Chang police station noong August 8, matapos na magpagamot sa kanyang mga tinamong sugat, kabilang ang pamamaga sa kanyang mata at sa kaliwang bahagi ng kanyang ulo.
Pagkatapos ng insidente, tumawag ang mga magulang ng estudyante at humingi ng paumanhin.
Batay sa ilang news reports, ang binatilyo ay isa sa top students sa kanyang klase, subalit may kasaysayan ng karahasan, kabilang ang pananampal sa isang babaeng estudyante at pananakit sa kanyang sariling ama.