
Inaresto ng mga awtoridad ang isang 17-anyos na ina matapos tangkain umanong ibenta ang kanyang isang buwang gulang na sanggol sa halagang ₱55,000 sa pamamagitan ng social media.
Batay sa imbestigasyon, nakipagtransaksyon ang suspek sa isang buyer na kalaunan ay napag-alamang mga pulis mula sa PNP Women and Children Protection Center.
Sinabi ng ina na gagamitin umano niya ang pera upang mabawi ang ginastos sa matrikula.
Gayunman, nagduda ang pulisya sa kanyang pahayag matapos matuklasan na may nauna na siyang kasunduan sa isang indibidwal mula Japan bago pa man siya manganak at nakatanggap na rin ng earnest money.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act na may parusang hanggang habambuhay na pagkakakulong.
Iniimbestigahan din kung sangkot ang 18-anyos na ama ng sanggol.
Ang bata at ang kanyang ina ay nasa pangangalaga na ng mga social worker habang patuloy ang imbestigasyon.
Nagbabala rin ang PNP sa dumaraming kaso ng bentahan ng sanggol online at patuloy ang pagtanggal sa mga social media page na sangkot dito.





