Patuloy na nagsasagawa ng search and retrieval operation ang mga awtoridad upang mahanap ang 17-anyos na binatilyong nalunod matapos mahulog mula sa Palusao–Niug Bridge sa Sto. Niño, Cagayan noong gabi ng Disyembre 8, bandang 7:45 p.m.

Ayon kay PMaj. Harold Agdamag, hepe ng Sto. Niño Police Station, lumalabas sa imbestigasyon na galing ang biktima at tatlo niyang kaibigan sa isang pansiteria kung saan sila nag-inuman bago magpasya na ihatid pauwi ang isa sa kanilang kasama.

Ang binatilyo ang nagmamaneho ng motorsiklo habang ang tatlo niyang kaibigan ay naka-backride.

Pagdating sa bahagi ng tulay, nawalan ng kontrol ang biktima at sumemplang, dahilan para mahulog ang tatlo niyang angkas sa kalsada.

Sa gitna ng pagkawala ng balanse, napihit umano ng biktima ang accelerator ng motorsiklo, kaya’t dumeretso ito at tuluyang nahulog siya mula sa tulay.

-- ADVERTISEMENT --

Hindi raw marunong lumangoy ang binatilyo ayon sa kaniyang mga magulang. Nilinaw naman ng pulisya na hindi nahulog ang motorsiklo sa ilog.

Agad naipaabot sa mga pulis ang insidente dahil malapit lamang ang checkpoint sa lugar, kaya mabilis na nakarating ang mga awtoridad para tumulong. Ligtas naman at nasa maayos na kalagayan ang tatlo niyang kasama.

Ayon sa mga awtoridad, nakipag-coordinate na sila sa iba’t ibang munisipalidad kung saan posibleng maanod ang katawan ng biktima.