TUGUEGARAO CITY-Nagpositibo sa African Swine Fever (ASF) ang 17 mga baboy na unang namatay sa isang piggery sa Barangay La Torre North, Bayombong, Nueva Vizcaya.
Ayon kay Mayor Ralph Lantion, unang kumuha ang mga tauhan ng Provincial Veterinary Office (PVO) sa nasabing lalawigan ng samples ng dugo at karne ng 17 mga baboy at dumaan sa pagsusuri kung saan lumabas na apektado ang mga ito ng ASF.
Kaugnay nito, agad na ipinag-utos ni Lantion ang lockdown sa nasabing Barangay kabilang na rin ang iba pang mga katabing Barangay kabilang ang La Torre South, Casat at Luyang para masiguro na walang makakalabas na alaga at karne ng baboy para agad mapigilan ang pagkahawa sa iba pang mga lugar.
Sinimulan na rin ang pagsasagawa ng culling para siguraduhin ng lokal na pamahalaan na makatay lahat ang mga alagang baboy na nasa sakop ng 1 kilometer radius mula sa ground zero.
Iginiit din ng alkalde na magbibigay ang lokal na pamahalaan ng Bayombong ng P2,500 na halaga bawat baboy na kakatayin.
Sa pinakahuling talaan ng PVO ay mahigit 200 baboy ang kinatay kabilang na ang mga buntis na inahin para siguraduhin na mapigilan ang pagkalat pa ng sakit.
Ang Nueva Vizcaya ang ikatlong lalawigan sa Cagayan Valley na pinasok ng ASF kabilang ang Cagayan at Isabela.
Mula sa dalawang bayan ay umabot na ngayon sa kabuuang 11 bayan o 23 mga barangay sa lalawigan ng Isabela ang apektado ng nasabing sakit kung saan mahigit 1,000 mga baboy ang isinailalim sa culling.
Nasa P2 milyon ang tulong pinansyal na ipinagkaloob ng pamahalaan lokal ng Isabela sa mga apektadong hog raisers.
Siyam na barangay naman ang apektado ng sakit sa Solana, Cagayan kung saan 54 baboy ang isinailalim sa culling.