Labing-pitong mga bahay ang nag-collapse at naanod nang sinira ng malakas na agos ng tubig ang retaining wall ng flood control sa bayan ng Abulug.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Atanacio Macalan, head ng Provincial Climate Change Disaster Risk Reduction Management Office (PCCDRRMO) na nawalan ng tirahan ang nasa 36 indibidwal sa Barangay Dana-ili dahil sa matinding baha.

Bukod pa ito sa nasirang mga bahay sa ibang mga bayan sa Hilagang Cagayan na nakaranas ng pagbaha at landslide bunsod ng ilang araw na pag-ulan dulot ng cold front.

Sa datos ng PCCDRRMO, pumalo na sa halos P41 milyon ang halaga ng danyos sa agrikultura matapos malubog sa baha ang ilang palayan at palaisdaan.

Nasa apat na katao pa rin ang naitalang nasawi sa lalawigan habang nasa 5,618 pamilya ang inilikas o 23,781 na indibidwal sa 78 na evacuation centers.

-- ADVERTISEMENT --

Aniya, nasa mahigit isang libo na lamang ang nananatili sa mga evacuation centers kasama na ang mga inilikas kamakailan sa bayan ng Allacapan at Abulug dahil sa pangamba na posibleng bumigay ang dam sa Barangay Silagan, Allacapan.

Passable na rin sa lahat ng uri ng sasakyan ang mga pangunahing lansangan sa Cagayan matapos unti-unti nang humupa ang baha.

Naka-uwi na rin ang augmentation force mula Isabela at karatig bayan na tumulong sa relief operations.

Matapos ang pagbaha sa 2nd district, minomonitor ngayon ng mga otoridad ang posibleng pagbaha sa 3rd district dahil sa pag-apaw ng Cagayan river.

Nabatid na ang paglaki ng ilog Cagayan at tributaries nito ay dahil sa malakas na buhos ng ulan sa Isabela at Quirino.

Nilinaw naman ni Macalan na hindi pa naman nagbubukas ng gates ang Magat Dam sa Isabela dahil mayroon pa itong 2 meters para maabot ang normal spilling level na 193 meters.

Samantala, ipinauubaya na rin sa mga mayor ng bawat bayan at lungsod sa Cagayan ang pagkakansela ng klase bukas (November 11, 2019) kung kinakailangan sa kanilang nasasakupang lugar.