Handa na para sa roll-out ang pondong ibibigay para sa mga Barangay na wala nang impluwensiya ng New Peoples Army sa Northern Luzon.

Sinabi sa Bombo Radyo ni Maj. Israel Galorio, tagapagsalita ng Northern Luzon Command- Armed Forces of the Philippines, 17 Barangay sa Northern Luzon ang makakatanggap ng tig-P20 milyon mula sa P16.4 bilyon na pondo sa ilalim ng Barangay Development Program ng pamahalaan.

Ito ay kinabibilangan ng tig-anim na barangay sa lalawigan ng Cagayan at Abra; dalawa sa Ilocos Sur; at tig-isang barangay sa Kalinga, Mountain Province at Bulacan.

Subalit nilinaw ni Galorio na hindi cash o pera ang ibibigay sa mga barangay na NPA free kundi proyekto tulad ng farm to market roads, classrooms, electrification projects, health centers, water systems, communal irrigation projects at iba pa.

Mula 2016 hanggang 2019, nasa 822 barangay sa buong bansa ang nalinis ng pamahalaan sa impluwensiya at presensiya ng makakaliwang grupo.

-- ADVERTISEMENT --