Nasawi ang 17 katao at 21 iba pa ang sugatan matapos maaksidente sa isang funicular railway o cable car na paborito ng mga turista sa Lisbon, Portugal nitong Huwebes.
Ayon sa mga awtoridad, binabaybay ng Gloria line ang matarik na bahagi ng lungsod nang mawalan ng preno matapos maputol ang haulage cable, dahilan ng pagkadiskaril at pagbangga ng sasakyan sa isang gusali.
Isinailalim sa inspeksyon ang natitirang dalawang linya ng funicular sa lungsod, habang sinimulan na rin ang imbestigasyon sa tunay na sanhi ng insidente.
Bagaman iginiit ng kumpanya ng transportasyon na regular ang kanilang maintenance at inspeksyon, sinabi ng isang unyon ng mga manggagawa na matagal nang inirereklamo ang problema sa tensyon ng kable na maaaring nakaapekto sa preno.
Ang Glória line, na binuksan pa noong 1885, ay isang makasaysayang atraksyon na nagdadala ng humigit-kumulang 3 milyong pasahero kada taon mula sa downtown Lisbon patungong Bairro Alto.
Hindi pa inilalabas ang pagkakakilanlan ng mga biktima, ngunit kinumpirma ng mga opisyal na may ilang banyagang nasawi, kabilang umano ang isang pamilyang Aleman.