TUGUEGARAO CITY-Aabot na sa 17 munisipalidad ang apektado ng African Swine Fever (ASF) sa probinsya ng Cagayan matapos makapagtala ng bagong kaso ang bayan ng Pamplona.
Ayon kay Dr. Ma. Michaela Ponce ng Provincial Veterinary Office ng Cagayan, isang baboy sa Barangay Santa Cruz sa nasabing bayan ang naitalang namatay sa hindi mabatid na dahilan.
Dahil dito, agad silang nagsagawa ng pagsusuri kung saan lumabas ang resulta na apetakdo ang namatay na baboy ng ASF.
Bilang aksyon, sinabi ni Ponce na nagsagawa sila ng culling sa 65 baboy sa lugar para hindi na kumalat pa ang nasabing virus sa mga kalapit na barangay.
Sinabi ni Ponce na maaring may mga nagpalusot ng karne ng baboy sa lugar dahil hanggang sa ngayon ay patuloy pa rin ang konstruksyon ng slaughter house kung kaya’t sa mga tahanan pa rin nagkakatay ang mga residente.
Bagamat may mga meet inspector naman na nag-iikot sa lugar ay maaring may nagpasaway pa rin kaya hindi ito namonitor.
Sa ngayon, sinabi ni Ponce na mahigit 4,000 baboy na ang isinailalim sa culling mula nitong buwan ng Enero hanggang sa kasalukuyan.