CTTO: BJMP-Ballesteros

Aabot sa 17 “person deprived of liberty” (PDL) sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Ballesteros ang nagtapos sa kanilang pag-aaral sa ilalim ng Alternative Learning System (ALS) ng Department of Education (DepEd).

Sa panayam ng Bombo Radyo, ipinagmalaki ni JSI Mark Anthony Saquing, jailwarden ng BJMP-Ballesteros na isa aniya sa mga pinakamagandang graduation para sa kanya ang pagtatapos ng 3rd batch sa ALS na pawang mga dalubahasa sa pagsasalita at pagsusulat sa English kung saan 24-anyos ang pinakabata.

Dagdag pa ni Saquing na karamihan din sa mga ito ay nagpahayag ng interes na ipagpapatuloy ang kanilang pag-aaral sa oras na makalaya dahil sa promulgation o ang pinabilis na paglalabas ng hatol sa mga itinuturing na magagaan na kaso.

Sa pamamagitan din aniya nito ay naipakita nilang kahit nasa loob ng bilangguan ay maaari pa ring isabuhay ang kalayaan sa pamamagitan ng pag-aaral.

Kinumpirma rin ni Saquing na isang PDL ang hindi nakapasa dahil lamang sa problema sa kanyang pangalan.

-- ADVERTISEMENT --

Ang ALS ay isang programa ng DepEd na may layuning matulungan na makapagpatuloy ng kanilang pag-aaral ang mga out of school youths kasama na ang mga PDL upang makakuha ang mga ito ng elementary o high school diploma.

Samantala, inaantay na lamang ng BJMP-Ballesteros ang inagurasyon ng karagdagang gusali sa kulungan na pinondohan ng pamahalaang nasyonal sa ilalim ng Duterte administration bilang solusyon sa mataas na jail congestion rate.

Nabatid na ipinagkaloob ng pamahalaang lokal ng Ballesteros ang 1,000 square meters na lote sa nasabing kulungan para sa konstruksyon ng gusali.

—with reports from Bombo Rose Anne Ballad