
Sinibak sa kanilang puwesto ang 17 pulis na nakatalaga sa isang police station sa Eastern Samar matapos umanong uminom ng alak habang naka-duty sa loob mismo ng kanilang opisina.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Analoza Catilogo-Armeza ng Philippine National Police Regional Public Information Office sa Eastern Visayas, naganap ang pag-inom ng alak sa Christmas party ng Dolores Municipal Police Station.
Kumalat sa social media ang larawan ng umano’y inuman, na nagbunsod ng agarang aksyon mula sa pamunuan ng PNP.
Nilinaw ni Catilogo-Armeza na mahigpit na ipinagbabawal ang pag-inom ng alak sa loob ng police station, lalo na habang naka-duty.
Kasama sa mga sinibak ang hepe ng Dolores Municipal Police Station at isang non-uniformed personnel.
Dagdag pa niya, isasagawa ang reassignment ng mga pulis matapos masibak ang halos kalahati ng mga tauhan ng nasabing himpilan.










