TUGUEGARAO CITY-Kulong ang isang lalaki habang nasa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang dalawang menor-de-edad matapos tangayin ang 13 panabong na manok sa bayan ng Solana,Cagayan.

Ayon kay Police Senior Sergeant Rowell Siuagan, imbestigador ng kaso,gabi ng Oktubre 15,2019 nang magising ang biktima na si Regie Layugan, 55-anyos, residente ng Brgy Cattaran dahil sa ingay ng kanyang mga alagang panabong na manok sa likurang bahagi ng kanilang bahay.

Sinilip umano ng biktima ang kinaroroonan ng kanyang mga manok at kanyang nakita ang suspek na si Domingo Mengullo, 18-anyos kasama ang dalawang menor-de-edad na edad 17-anyos at 16-anyos na kasalukuyang tinatangay ang mga alagang manok.

Agad na tumawag sa kapulisan ang biktima kung saan bago pa man makaalis sa lugar ang mga suspek bitbit ang 13 panabong na manok na nakalagay sa dalawang sako ay naabutan na sila ng mga rumespondeng kapulisan .

Sa ngayon, inaalam na ng mga otoridad kung ang mga nahuling suspek ang nasa likod din ng mga nakawan ng mga panabong na manok sa nasabing bayan nitong nakalipas na buwan.

-- ADVERTISEMENT --