Posibleng maharap sa panibagong reklamo ang 18 umano’y dating Marines at “bagmen” na tumestigo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ng kampo ni Senador Alan Peter Cayetano matapos nilang idawit ang ilang matataas na opisyal sa umano’y katiwalian sa flood control projects.

Inihayag nina Senador Vicente Sotto III at Senador Erwin Tulfo na magsasampa sila ng kasong libel at cyberlibel laban sa mga testigo, dahil sa umano’y maling paratang at hindi tugmang mga detalye ng kanilang testimonya.

Ayon naman kay Senador Panfilo Lacson, maaari ring managot ang mga senador na nagsagawa ng naturang pagdinig sa ilalim ng cyberlibel at Article 177 ng Revised Penal Code dahil sa umano’y pagsasagawa ng naturang committee hearing nang walang legal na awtoridad.

Nauna nang naghain ng mga reklamo sina Batangas Representative Gerville Luistro, Iloilo City Representative Julienne Baronda, at dating Senador Antonio Trillanes, habang mariing itinanggi nina Rep. Leila de Lima, Zia Alonto Adiong, at mga dating miyembro ng Makabayan bloc ang mga alegasyon.

Samantala, sinabi ng Philippine Navy na apat sa 18 indibidwal ay hindi kailanman naging miyembro ng Philippine Marine Corps, habang ang iba ay na-discharge nang may dishonorable status.

-- ADVERTISEMENT --