Inihayag ng National Police Commission (NAPOLCOM) na 18 pulis na umano’y sangkot sa kaso ng mga nawawalang sabungero ang kasama sa reklamo na inihain ni whistleblower at isa sa mga akusado na si Julie Patidongan alyas Totoy maging ang mga pamilya ng mga biktima.
Sinabi ni NAPOLCOM vice chairperson at executive officer Atty. Rafael Vicente Calinisan na ang 13 sa kanila ay aktibo habang ang lima ay na-dismiss.
Gayunpaman, tumangging magbigay ng impormasyon si Calinisan sa lalim ng pagkakasangkot ng mga nasabing pulis sa pagkawala at pagpatay sa mga nasabing sabungero.
Ayon kay Calinisan, maglalabas ang NAPOLCOM ng orders o summons sa mga isinasangkot na mga pulis upang maipaliwanag ang kanilang panig.
Matatandaan na nitong Lunes, nagtungo si Patidongan at mga kamag-anak ng mga nawawalang sabungero sa tanggapan ng NAPOLCOM para maghain ng complaint-affidavit laban sa iba pang mga pulis na sangkot umano sa nasabing kaso.
Sinabi Patidongan na ang mga nasabing pulis ay sangkot sa pagdukot at pagbiyahe sa mga sabungero mula sa farms papuntang Taal Lake.
Inilagay sa restrictive custody ang 15 pulis na umano’y sangkot sa kaso sa Camp Crame.
Buhat noong January 2023, pitong pulis na sangkot umano sa krimen ang tinanggal na sa serbisyo.