Mahigit 18 milyong junior high school graduates sa Pilipinas ang itinuturing na functionally illiterate batay sa 2024 Functional Literacy, Education, and Mass Media Survey (FLEMMS) ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Ibig sabihin, hindi sila marunong nang sapat sa pagbasa, pagsulat, pagkwenta, at pag-unawa.

Dahil sa pagbabagong ginawa ng PSA sa kahulugan ng “functional literacy,” bumaba ang bilang ng literate mula 79 milyon sa 60 milyon.

Nagpahayag ng pagkabahala si Senador Sherwin Gatchalian dahil hindi dapat nagtapos ang mga ito nang hindi sila functional literate.

Kinumpirma ito ni PSA Assistant National Statistician Adrian Cerezo, at idinagdag na 21% ng senior high school graduates ay hirap ding umintindi.

-- ADVERTISEMENT --

Ang Region IX ang may pinakamataas na bilang ng functional illiteracy, na pinangungunahan ng Tawi-Tawi kung saan 67% ng populasyon ay hindi functional literate.

Sa basic literacy naman, kung saan sinusukat ang kakayahang bumasa at sumulat, nasa 5.8 milyon ang hindi pa rin marunong. Ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang may pinakamataas na bilang.

Sinabi ni Cerezo na napansin na ni DepEd Secretary Sonny Angara ang mga datos, habang inihayag naman ni Rosalina Villaneza ng DepEd na magkakaroon sila ng reading assessments at magtuturo ng mga reading teacher para tugunan ang problema.