Wala nang buhay at tadtad ng saksak nang matagpuan ang isang 19-anyos na babae sa loob ng kanilang bahay sa Barangay La Filipina, Tagum City, Davao del Norte.

Ayon sa pulisya, nagtamo ang biktima ng 38 saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan, kabilang ang leeg.

Ang ama ng biktima ang nakadiskubre sa karumal-dumal na krimen nitong Miyerkules ng umaga.

Batay sa paunang imbestigasyon, pagnanakaw ang itinuturong motibo dahil nawawala ang pera, laptop, gadget, at mga alahas ng biktima.

Lumilitaw na pumasok ang mga suspek sa bahay sa pamamagitan ng pagtanggal sa sliding glass window sa likod.

-- ADVERTISEMENT --

Sa isinagawang follow-up operation ng pulisya, naaresto noong Miyerkules ng gabi ang dalawang menor de edad na suspek na edad 17 at 14, mula sa Davao de Oro.

Narekober mula sa kanila ang ilan sa mga gamit ng biktima.

Ayon kay PLt. Col. Frederick Deles ng Tagum City Police, inamin umano ng mga suspek na pinatay nila ang biktima matapos silang makilala nito.

Nakilala ang mga suspek sa tulong ng CCTV ng kapitbahay.

Sasampahan ng kasong robbery with homicide ang 17-anyos na suspek matapos makakuha ng “discernment” mula sa CSWDO, habang ang 14-anyos ay pansamantalang isasailalim sa pangangalaga ng parehong ahensya.

Patuloy naman ang pagtugis sa dalawa pang kasabwat.