Patay ang 19 na katao sa dalawang lungsod sa pinakamatinding kaguluhan sa Nepal kahapon, matapos na gumamit ng tear gas at rubber bullets ang mga awtoridad sa mga nagpoprotesta na tangkang pasukin ang parliament dahil sa kanilang galit sa social media shutdown at korupsiyon.
Nagpumilit ang ilang protesters, karamihan sa kanila ay mga kabataan na pumasok sa parliament complex sa Kathmandu sa pamamagitan ng pagsira sa mga barikada.
Bukod dito, sinunog din ng protesters ang isang ambulansiya at nagtapon ng mga bagay sa mga riot police na nagbabantay sa parliament building.
Sinabi ng isang protester na walang habas na pinaputukan ng mga pulis ang mga protesters gamit ang rubber bullets.
Mahigit 100 katao kabilang ang 28 pulis ang ginagamot ngayon dahil sa mga tinamong injuries.
Nagalit ang maraming mamamayan sa Nepal lalo na sa hanay ng mga kabataan sa desisyon ng kanilang pamahalaan nitong nakalipas na linggo na i-block ang lahat ng social media platforms, kabilang ang Meta.
Nasa 90 percent ng 30 million na populasyon ng Nepal ang gumagamit ng internet.
Sinabi ng mga opisyal na ipinatupad nila ang pagbabawal dahil sa nabigo ang social media platforms na magparehistro sa mga awtoridad sa kanilang kampanya laban sa hindi tamang paggamit sa mga ito, kabilang ang pekeng social media accounts na ginagamit para magpakalat ng hate speech at fake news, at gumawa ng panloloko.