Iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na 19 ang namatay dahil sa pananalasa ng tropical cyclones Mirasol, Nando, Opong, at Habagat.
Sa nasabing bilang, 15 ang isasailalim pa sa validation, habang kumpirmado na ang apat.
Samantala, 18 naman ang naiulat na nasugatan, kung saan 14 ang kumpirmado.
Idinagdag pa ng NDRRMC na isinasailalim na sa validation ang 14 na nawawala.
Sa datos pa ng NDRRMC, kabuuang 2,026,246 individuals o 520,165 families ang apektado sa 15 na rehion, 57 na probinsiya, 504 na lungsod at munisipalidad, at 4,219 na barangay.
Ang bilang ng displaced persons ay 351,840, at karamihan sa kanila ay nasa evacuation centers.
Samantala, apektado ang 243 na mga kalsada at 46 na mga tulay.
Sa nasabing bilang, hindi pa madaanan ang 30 road sections sa Region 1.
Nasa 143 na lungsod at bayan ang nawalan ng suplay ng kuryente sa panahon ng pananalasa ng mga bagyo.
Tinatayang nasa mahigit P914 million ang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura.
Nagdeklara naman ng state of calamity ang 32 na lungsod at munisipalidad.
Marami na rin ang natulungan ng mga kaukukulang ahensiya ng pamamahalaan at kani-kanilang lokal na pamahalaan.