Aabot sa 60 pamilya o 198 indibidwal ang inilikas kasunod ng sagupaan ng militar at New Peoples Army nitong Lunes ng hapon sa Brgy Sta Margarita, Baggao, Cagayan.
Sinabi ni Brgy Captain Norman Molina, Sr. na mula sa Sitio Daligadig at Sitio Nangbaggayan ang mga lumikas at kasalukuyang nanunuluyan sa daycare center sa naturang Barangay habang ang iba ay lumikas sa kanilang mga kaanak dahil sa takot na madamay sa engkwentro.
Dagdag pa ni Molina na posibleng magtagal ng limang araw ang mga evacuees dahil sa nagpapatuloy na clearing operations ng militar habang wala rin pasok ang mga mag-aaral sa Sitio Daligadig.
Sa ngayon sinabi ni Molina na nasa tatlo nang bangkay ng pinaniniwalaang miyembro ng NPA ang narekober matapos muling makarekober ang militar ng isang bangkay nitong Martes kung saan unang narekober ang dalawa noong Lunes.
Bagamat limitado lamang ang tulong na maibibigay ng Barangay, sinabi ni Molina na nakapaghatid na ang MSWDO ng relief goods sa mga apektadong pamilya.
Pinayuhan din ng Kapitan ang tatlong residente na nasiraan ng pananim na mais sa paglapag ng military chopper sa tatlong sitio ng naturang barangay na makipag-ugnayan kay Mayor Leonardo Pattung para sa tulong na maaaring maibigay sa kanila ng LGU.
Una rito ay nanawagan ang isa sa mga nasiraan ng pananim na si Michael Paet na tulungan sila ng pamahalaan dahil inutang pa nila ang ipinambili ng binhi at abono para sa kanilang pananim.
Matatandaang sumiklab ang engkwentro sa pagitan ng militar at labing-limang miyembro ng makakaliwang grupo bandang 3:30 ng hapon ng Pebrero 13 sa Sitio Nangbaggayan, Sta. Margarita, Baggao, Cagayan kung saan tumagal ng halos tatlumpung minuto ang palitan ng putok.
Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang ilang mga dokumento at babasahing ginagamit sa pagdodoktrina ng mga bago at dating miyembro ng grupong kumakalaban sa pamahalaan.
Nakumpiska rin ang ilang kagamitan kabilang ang isang laptop computer.