TUGUEGARAO CITY-Nasa 1000 Family food packs ang paunang dinala ng Department of Social Welfare and Development (DSWD)-Region 2 sa bayan ng Claveria bilang tulong sa mga residente dahil sa nararanasang pagbaha sa lugar.
Ayon kay Lucy Alan, Assistant Regional Director ng DSWD-R02, bagamat hindi na nakapasok ang kanilang sasakyan sa mga apektadong barangay dahil sa mga naitalang landslide sa lugar, sinalo naman sila ng mga miembro ng Philippine marine na silang nagdala sa mga nasabing ayuda sa mga apektadong pamilya.
Aniya, base sa kanilang hawak na datos ngayon, nasa 387 na pamilya mula sa pitong barangay at binubuo ng 1,421 na indibidwal ang nasa evacuation center habang sa bayan ng Sta. Praxedes ay 151 na pamilya rin ang inilikas.
Kaugnay nito, sinabi ni Alan na muling ipagpapatuloy ng kanilang ahensya ang pamimigay ng tulong sa mga apektadong bayan ngayon araw, Oktubre 25, 2020.
Tiniyak ni Alan na sapat ang ayudang ipapamahagi sa lahat ng bayan na naapektuhan ng pagbaha at landslide kabilang na ang Sta Praxedes, Claveria, Sanchez Mira, Pamplona maging ang bayan ng Sta Ana.