TUGUEGARAO CITY-Nakapagtala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD)-Region 2 ng isang libong pamilya na nagtapos sa kanilang programang Pantawid Pamilyang Pilipino Program(4Ps).
Ayon kay Regional Director Lucy Alan ng DSWD-R02, ilan sa mga pamilyang nagtapos na ay wala ng anak na nasa edad 18 pababa at ang ilan ay tumaas ang lebel ng kanilang pamumuhay na hindi na pasok sa mga panuntunan ng isang benipisaryo.
Kaugnay nito,sinabi ni Alan na kasalukuyan na nilang inaayos ang mga dokumento ng mga nagsipagtapos sa programa para tuluyan ng maalis ang kanilang pangalan sa listahan.
Tiniyak naman ni Alan na sapat ang pondo na nakalaan sa naturang programa kung saan tuloy-tuloy ang pamamahagi ng tulong pinansyal sa lahat ng mga benipisaryo.
Samantala,sinabi ng director na malapit ng matapos ang kanilang pamamahagi ng tulong sa mga lugar na nasalanta ng malawakang pagbaha sa rehiyon noong nakaraang taon.
Mga malalaking munisipalidad at lungsod tulad ng Tuguegarao City at Ilagan City na lamang aniya ang mga hindi pa natatapos na maabutan ng tulong pinansyal.
Nilinaw naman ni Alan na maaari rin makatanggap ng tulong ang mga pamilya na nangungupahan lamang sa isang lugar na apektado ng pagbaha basta’t nakarehistro ito sa barangay na kinaroroonan.
Pahayag ito ng director sa reklamo ng ilang pamilya sa Brgy. Caggay sa lungsod na wala pa umano silang natatanggap na anumang tulong mula ng maranasan ang malawakang pagbaha.
Paliwanag ng direktor, nakabase ang kanilang tanggapan sa pamamahagi ng tulong sa listahan na ibinibigay ng bawat barangay at munisipalidad kung kaya’t napakaimportanteng rehistrado ang mga nangungupahan sa kanilang nasasakupang lugar.