Aabot sa 45,757 na mga magsasaka ng palay sa rehiyon ang inaasahang makakatanggap ng P5,000 sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund-Rice Farmers Financial Assistance Program (RCEF-RFFA) ng Department of Agriculture-Region 2.

Sa ngayon umano ay naibaba na ang P228.7 milyon na pondo nito sa Development Bank of the Philippines bilang partner government financial institution para sa 1st batch ng ipapamahaging ayuda na may kabuuang target na 158,284 rice farmers sa rehiyon dos.

Sa naturang target ng ahensya, pinakamaraming benepisyaryo ang Isabela na may 62,234; sinundan ng Cagayan na may 58,552;Nueva Vizcaya na may 24,403; Quirino na may 12,981 at Batanes na may 114.

Kwalipikadong makakatanggap ng tulong ang mga magsasaka na nakarehistro sa Registry System for Basic Sector in Agriculture (RSBSA) at nasa dalawang ektarya pababa ang kanilang sinasaka.

Ayon kay Regional Executive Director Narciso Edillo, ang pagbibigay ng ayuda sa 1st batch ay sinimulan noong Lunes, Sept.12 sa lalawigan ng Cagayan para sa 5,629 na beneficiaries na magtatagal hanggang Sept 19.

-- ADVERTISEMENT --

Ang distribusyon sa Nueva Vizcaya para sa 19,183 beneficiaries ay sa Sep 20 hanggang 30; Isabela para sa 8,864 beneficiaries ay sa Sept 26 hanggang 30; Quirino na may 12,081 beneficiaries ay sa Oct 11-14.

Sinabi ni Edillio na 48% pa lamang ito ng kabuuang target na mabibigyan ng ayuda kung saan irere-schedule ang distribusyon sa oras na maayos ng mga Municipal Agriculturists ang listahan ng mga benepisaryo tulad ng pagtanggal sa duplication ng pangalan, wrong spelling at di lalagpas sa 24 characters na pangalan upang tanggapin ng computer system.

Ang mga pondo naman na nai-download sa Landbank of the Philippines ay i-schedule sa huling quarter ng taon habang patuloy ang prduksyon ng mga cash card nito na ginagamit sa pamamahagi ng ayuda sa mga magsasaka.

Ang pondo na ginamit sa programa ay mula sa “excess tariffs” mula sa P10 bilyon na Rice Competitiveness Enhancement Fund na naisakatuparan sa pamamagitan ng RA 11203 o Rice Tariffication Law na layong matulungan ang mga local rice farmers na mapababa ang production cost at mataas ang kanilang kita.

Bukod dito ay patuloy din ang distribusyon ng DA-RO2 ng P3000 halaga ng fuel discount card sa mga benepisaryo nito sa lalawigan ng Cagayan.

Ito ay bahagi ng fuel discount program ng Department of Agriculture na naglalayong makatulong sa mga magsasaka at mangingisda na gumagamit ng makinarya sa pagsasaka at pangingisda na lubhang naapektuhan ng pagtaas ng presyo ng gasolina.