Aabot sa 98 kabataang katutubo ang lumahok sa kauna-unahang Indigenous People Youth Leadership Summit sa pangunguna ng 95th Infantry Battalion na nasa ilalim ng 502nd Infantry Brigade ng 5th Infantry Division, Philippine Army.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Lt. Colonel Gladiuz Calilan, commanding officer ng 95th IB na layunin ng tatlong araw na aktibidad na mabigyan ng gabay at maituro sa tamang impormasyon at direksyon ang mga kabataang katutubo sa San Mariano, Isabela.

Ibinahagi rin ng kasundaluhan ang kahalagaan ng mga kabataan sa pagsugpo ng insurhensiya at kung paano sila maging isang productive citizen sa kanilang lugar.

Ayon kay Calilan na paraan din ito upang maimulat sa mga kabataang katutubo ang laban kontra insurhensiya dahil sila ang pangunahing target ng recruitment ng New People’s Army (NPA).

Aniya, una pa lamang ito sa mga serye ng isasagawang YLS sa mga katutubo sa lalawigan ng Isabela, katuwang ang National Commission on Indigenous Peoples, PNP, at Local Government Unit.

-- ADVERTISEMENT --