Kinumpirma ng Department of Labor and Employment (DOLE) na ibibigay sa dalawa hanggang tatlong tranche ang umento sa sahod ng mga minimum wage earner sa Region 2.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Chester Trinidad, tagapagsalita ng DOLE-RO2 na hahatiin sa dalawang tranche ang pagbibigay sa dagdag na P50 sa daily minimum wage ng mga manggagawa sa non-agriculture sector at P55 na dagdag sa agriculture sector.

Habang ang P75 na dagdag para sa retail at service establishments na mayroong hindi hihigit sa 10 manggagawa ay ibibigay naman sa tatlong tranche.

Ayon kay Trinidad, ang unang bahagi ng increase sa agriculture na P30 kabilang ang non-agriculture sector ay ibibigay sa effectivity ng wage order o 15-araw matapos ang publication habang ang kabuuan nito ay sa Jan 1, 2023.

Para naman sa retail at service establishments na may sampung mangagagawa o mas mababa pa, ang unang tranche na P30 ay sa effectivity ng wage order; ang ikalawang bahagi na P20 ay sa Oct 1, 2022; at ang ikatlo na kabuuan ay sa Jan 1, 2023.

-- ADVERTISEMENT --

Kahapon nang ianunsiyo ng DOLE ang napagkasunduang bagong P420 na minimum na sahod para sa mga manggagawa sa non-agriculture, retail at service establishments at P400 na minimum na sahod para sa sektor ng agrikultura matapos ang serye ng mga public hearing.

Aniya ang hindi biglaang pagbibigay ng increase ay dahil sa nagsisimula pa lamang ang mga negosyo sa pagbangon sa epekto ng pandemya.

Pinagbatayan sa pagbibigay ng dagdag-sahod ang kasalukuyang socio-economic condition sa rehiyon dahil sa pagtaas ng mga bilihin gayundin ang kakayanan ng mga stakeholder sa pagbibigay ng naturang umento.