Dalawang raliyista ang inaresto nitong Miyerkules matapos umanong mambato ng mga pulis at magdulot ng kaguluhan sa southbound lane ng Epifanio de los Santos Avenue (EDSA) patungong EDSA Shrine, kasabay ng paggunita sa ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution.

Ayon kay Ponce Rogelio Peñones Jr., acting director ng PNP Directorate for Operations, hindi hinaharangan ng pulisya ang rally kundi minamando lamang ang daloy ng trapiko upang maiwasan ang pagsisikip ng kalsada.

Sinabi niya na may “isolated case” kung saan may maliit na grupo ng mga raliyista na umano’y nambato at nanakit ng mga pulis, dahilan upang sila ay arestuhin.

Nahaharap ang dalawang naaresto, isang lalaki at isang babae, kapwa nasa hustong gulang, sa mga kasong direct assault, resistance at disobedience to a person in authority, alarm and scandal, at paglabag sa Public Assembly Act. Ayon sa pulisya, wala umanong permit ang kanilang grupo para magsagawa ng rally sa lugar.

Tatlong pulis ang naiulat na nasugatan at nagtamo ng minor injuries tulad ng contusions, lacerations, at pasa.

-- ADVERTISEMENT --

Hinarang din ng awtoridad ang isang truck na umano’y gagamiting mobile stage dahil maaari itong makasagabal sa trapiko sa bahagi ng Ortigas at EDSA. Sa halip, pinayagan ang mga organizer na gumamit ng mas maliit na pickup truck na may public address system.

Sa kabila ng insidente, inilarawan ng pulisya na naging mapayapa sa kabuuan ang paggunita. Tinatayang nasa 6,000 katao ang dumalo sa EDSA Shrine at sa People Power Monument hanggang Miyerkules ng hapon.

Nagkasundo ang mga organizer na tapusin ang aktibidad sa EDSA Shrine bago mag-4:30 p.m., habang inaasahang matatapos ang programa sa People Power Monument bago mag-5 p.m., kasunod ang unti-unting dispersal ng mga dumalo.