Dalawang kasapi ng pulisya sa Region 2 ang sinibak sa serbisyo dahil sa Absence Without Official Leave (AWOL).

Bagamat hindi na pinangalanan, tiniyak ni PBGen Angelito Casimiro, regional director ng Police Regional Office 02 na madadagdagan pa ang mga pulis na tatanggalin sa serbisyo dahil sa hindi paggampan sa kanilang tungkulin.

Kasabay nito, sinabi ni Casimiro na binigyan niya ng isang buwan ang mga hepe ng mga bayan, siyudad, probinsiya at mga staff sa rehiyon na gampanan ng maayos ang kanilang tungkulin.

Dagdag pa niya na binigyan lamang siya ng tatlong buwan para pamunuan ang PRO 02 at sa kanyang pag-upo bilang bagong regional director ay asahan ang mga balasahan ng mga opisyales sa rehiyon.

Samantala, pinatututukan ni Casimiro sa lahat ng mga opisyal ng PNP ang pagsugpo sa operasyon ng mga iligal na pasugalan sa rehiyon.

-- ADVERTISEMENT --

Nagbabala rin siya sa mga hepe at provincial directors na bigong patigilin ang iligal na sugal sa loob ng isang buwan na masisibak sa serbisyo.