Natagpuan ang bangkay ng dalawang babae na hinihinalang biktima ng summary execution o tinatawag na “salvage” sa isang kanal sa Purok 5, Barangay Salaza, Palauig, Zambales nitong Huwebes ng umaga, Agosto 14.

Kinilala ng mga awtoridad ang mga biktima sa mga alyas na “Khangkhang,” 24 anyos, residente ng Purok Relocation, Barangay Taltal, Masinloc, Zambales, at “Lengleng” na mula umano sa Tarlac.

Ayon sa isang residente, nasa loob siya ng kanilang bahay nang makarinig siya ng umaarangkadang sasakyan kasunod ng sunod-sunod na putok ng baril.

Hindi raw niya ito pinansin at natulog na lamang. Pagsapit ng umaga ay doon niya nadiskubre ang mga bangkay sa kanal.

Batay sa imbestigasyon ni Police Capt. Leoven Eduagen, officer-in-charge ng Palauig Police Station, nagtamo si Khangkhang ng tatlong tama ng bala sa likod habang si Lengleng naman ay tinamaan ng bala sa ulo.

-- ADVERTISEMENT --

Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang limang basyo ng bala ng kalibre .45, 15 basyong sachet ng hinihinalang shabu, at ilang personal na gamit ng mga biktima.

Patuloy ang isinasagawang follow-up investigation at manhunt operation ng mga otoridad kaugnay ng karumal-dumal na insidente.