Tuguegarao City- Inaprubahan ng Sanguniang Panlalawigan ng Cagayan ang dalawa pang mga bagong Ordinansa kaugnay sa mahigpit na implimentasyon ng Enhanced Community Quarantine sa Cagayan.

Una rito ay ipinasa na ang Enhanced Community Quarantine-Anti Gambling Ordinance na naglalayong ipagbawal ang lahat ng uri ng sugal upang maiwasan ang paglabag sa ipinatutupad na social distancing.

Nakapaloob sa naturang ordinansa na sinomang lalabag dito ay magmumulta ng mula 3-5 libong piso na may kalakip na pagkakakulong.

Kaugnay nito ay ipinasa na rin ng Sanguniang Panlalawigan ng Cagayan ang Priority Express Lane Ordinance para naman sa mga medical frontliners na nangangalaga sa kapakanan ng mga COVID-19 patients.

Sa panayam kay 3rd District Board Member Pastor Ros Rosuello, ito ay upang bigyan ng prioridad ang mga health workers sa mga drugstores, supermarkets at iba pang mga pamilihang pupuntahan ng mga ito dahil sa sobrang haba ng pila.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa opisyal ay kailangang makapagpahinga ng maayos ang mga medical frontliners at sakali mang pipila pa ang mga ito sa mga pamilihan ay lalo pa silang maaantala sa pagpasok sa kanilang trabaho.

Paliwanag pa ng opisyal, dapat lamang na higpitan pa ang pagpapatupad ng mga ordinansa sa lalawigan ng Cagayan upang maiwasan ang pagkalat ng virus na dulot ng COVID-19.

Nabatid na aprubado na rin ang anim pa na mga bagong ordinansa sa lalawigan tulad ng Mandatory Wearing of Facemask, Strict Compliance to Physical Distancing, Anti Discrimination Ordinance, Anti Spiting in Public Ordinance, ECQ 24/7 Curfew Hours at Liquor Ban.

Muli ay nanawagan pa ang opisyal sa publiko na sumunod sa mga umiiral na batas nat mga alituntunin upang mawakasan na ang banta na dulot ng COVID-19 Pandemic.

Samantala, tatagal naman ang implimentasyon ng mga ordinansa hanggat hindi pa binabawi ang deklarasyon ng pinaigting na pagpapatupad ng ECQ.