Siyam ang patay kabilang ang dalawang menor de edad habang dalawa ang nasugatan matapos tumbukin ng isang pribadong van bago sumalpok sa dalawang bahay sa Brgy. San Lorenzo, Lal-lo, Cagayan noong gabi ng Sabado.
Ang mga nasawi ay pawang mga “Agta” na kinilalang sina Aladin Oñate, Calrita Maganay, Duarte Oñate, Eric Oñate, May ann Martinez, Rosita Martinez, Charie Oñate, pawang mga nasa tamang edad, Elisa Martinez, 3 buwang gulang at Jeric Oñate, 10-taong gulang.
Ayon kay PLT Gilbert Columna, deputy chief of police ng PNP-Lal-lo, galing sa lamay at nakatambay sa gilid ng four-lane na lansangan ang mga biktima na unang tinumbok ng van na nawalan ng kontrol sa manibela na minamaneho ni Dan Vincent Domingo, reservist ng AFP at residente ng Bulanao, Tabuk City, Kalinga.
Sa inisyal na imbestigasyon, sinabi ni Columna na mabilis ang patakbo ng suspek sa pakurbadang bahagi ng lansangan nang araruhin nito ang mga mga biktima, bago sumalpok sa isang bahay at dumiretso sa garahe ng isa pang bahay at sinalpok ang tricycle at fortuner hanggang sa muli itong sumalpok sa isa pang bahay.
Sa lakas ng pagkakabangga ay nagkalasog-lasog ang katawan ng mga biktima habang nawasak ang sasakyan.
Ayon kay Columna, galing sa kampo ng 17th Infantry Batallion sa may Bangag, Lal-lo ang suspek at papuntang Apayao, kasama ang isa pang reservist ng AFP na si Allan Jay Parungao, 29-anyos ng Dagupan Centro, Tabuk City, Kalinga na kapwa nilalapatan ng lunas dahil sa mga tinamong sugat sa katawan.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa naturang insidente.