Idineploy ng Philippine Coast Guard ang 2 barko nito sa Bajo de Masinloc sa West Philippine Sea.
Ito ay matapos ipag-utos ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gavan ang deployment ng BRP Malapascua (MRRV-4403) at BRP Sindangan (MRRV-4407) sa naturang shoal.
Ayon kay PCG spokesman Rear Admiral Armando Balilo, layunin ng naturang deployment na matiyak ang kaligtasan ng mga mangingisdang Pilipino sa lugar.
Nauna na kasing hiniling ng mga mangingisdang Pilipino ang presensya ng PCG habang sila ay namamalaot sa Bajo de Masinloc kasunod ng babala na inilabas ng China na ikukulong nito ang mga dayuhang papasok sa kanilang inaangking karagatan ng hanggang 60 araw nang walang paglilitis.
Samantala, nakipag-usap din ang mga tauhan ng PCG sa dalawang lokal na mangingisda na nasa shoal at sinuri ang kalusugan at mga operasyon ng pangingisda ng FBCA Princess Yhan Yhan na may 12 crew at FBCA Rundel-1 na may 7 tripulante.
Sinabi ni Balilo na napag-usapan nila ang banta ng China Coast Guard (CCG) na pag-aresto sa mga hindi Chinese na mangingisda sa West Philippine Sea (WPS).
Tiniyak naman ng PCG sa mga mangingisda na sisiguraduhin ng mga tauhan nito ang kanilang kaligtasan at magbibigay ng seguridad sa kanilang mga aktibidad sa pangingisda.
Namahagi din ang Coast Guard ng mga pagkain at gamot sa mga mangingisdang Pilipino upang madagdagan ang kanilang mga suplay.
Samantala, ibinunyag ni Balilo na nagsagawa ng shadowing ang China Coast Guard vessel 3106 sa BRP Sindangan na may layong humigit-kumulang 800 yarda mula sa starboard bow nito sa buong routine maritime patrol habang may 2 pang barko ng CCG ang namataan din sa Bajo de Masinloc.
Sa kabilang banda, ipinagpatuloy naman ng BRP Teresa Magbanua ang maritime operations nito sa labas ng Sabina Shoal at sa paligid ng Palawan bilang karagdagan sa pagsuporta sa iba pang aktibidad ng gobyerno.